Pambungad
Natatandaan ko pa na palaging kinukuwento ng aking ama ang mga karanasan niya sa EDSA noong taong 1986. Palagi niyang pinapaalala sa akin ang mga imahe ng mga tangke, sundalo at mga taong may hawak na bulaklak sa kaliwang kamay at rosaryo sa kabila. “Pinaghirapan namin ang kalayaan na nararanasan ninyo ngayon” sabi niya sa akin. “Kalayaan” napakaganda sa pandinig at napakasarap bigkasin ang salitang ito. Daang-daang tao na ang nagbuwis ng buhay para makamtam ang napakatamis na kalayaan para sa kanilang bayan. Mula sa mga nag-aalab na mga gusali sa Paris noong 1789 hanggang sa sabog-sabog na bahay ni Gaddafi sa Tripoli, mga eksena ang lahat ng ito ukol sapagkamit ng kalayaan mula sa isang kolektibo at sociolohikong perspektibo.
Ngunit, matatandaan din natin na ang mga eksena na mayroon itong kasunod na mga pangyayari na kabaliktaran ng minimithing kalayaan. Kawangis ni Napoleon si Gaddafi sa pamamaraan ng pagakyat sa puwesto bilang diktador. Parehas silang naglunsad ng kudeta para makuha ang puwesto bilang consul o lider. Ngunit na sa isang tao ba ang kapangyarihan? Bukambibig natin ang vox populi vox dei tuwing eleksiyon at sa mga magugulong paaralan masisilayan ang mga sigawan at tulakan para makaboto. Tatak sa aking isispan ang katagang vox populi. Bakit nga ba vox populi kung ang mamumuno ay isang tao lamang? Maalala lamang ang mga bansang napasailalim sa totalitarianismo sa mga pinuno nilang nakasuot pang militar sagad sa medalya kahit walang nilabanan. Dahil sa penomenang ito aking tatalakayin ang paggalaw ng ideolohiya sa isang kolektibong realidad upang makita ang kabuuang penomena ng isang pinuno na gawa ng mga tao. Makikita natin dito ang relasyon ng mga tao sa bawat isa na pinapalibutan ng mga sari-saring impluwensiya sa bawat pakikisalimuha nito. Sa pagsisiwalat natin sa penomenang ito unti-unti natin makikita ang pagsibol ng praksis bilang isang puwersa na makakalikha ng isang ideolohiya.
Napakalaki ng kontribusyon ni Sartre sa pananaliksik na ito. Sa aklat niya na Critique of Dialectical Reason (mula volume I hanggang volume II), sinisiwalat niya ang penomena ng mga kolektibo at praksis bilang isang konkretong pag-intindi sa kasaysayan. Isang yugto ang dialektiko ng pagkabuo.[1] Ito ang proseso ng unti-unting pagsibol ng iba’t ibang kamalayan ng kasarinlan, kakulangan, at kalayaan. Nakikita dito ang tulay na nabibigay daan mula sa pagiging indibidwal patungo sa kaniyang pakikisalimuha sa kapuwa. Hindi puno ng pagmamahalan ang relasyong ito, kalimitan puro panggagamit ang makikita natin.
Nakakapekto ang mga sari-saring aspeto ng pag-iral sa pamumuhay ng tao bilang isang nilalang para sa kapuwa. Nagiging instrumento ng paggawa ang kaniyang katawan. Hinuhulma ito at ginagawang kasam-asam sa paningin. Parte ito ng ebolusyon ng kamalayan sa pamamagitan ng praksis at negation. Mula sa karanasan ng pagigiging isang nilalalng sa mundo patungo sa kamalayan ng ating pag-iral, mararanasan ng isang indibidwal ang kaniyang pagiging kapuwa. Kung palalakihin natin ang konseptong ito makikita ang penomena ng pagkakabuo ng isang grupo.
I. Ang Realidad bago ang Aksiyon
i. Kakulangan
Kung titingnan natin nang mabuti ang pinagmulan ng ideolohiya, makikita natin na sanhi ito ng mga iba’t ibang impluwensiya. Nagmula ang mga miyembro ng National German Worker’s Party sa mga mahihirap o sa mga nasa mabababang antas ng lipunan. Nagtipon-tipon ang mga impluwensiya ng mga nagdaang pangyayari bilang isang pasibong realidad ng pagkatalo na pinasama pa ng mga pagbagsak ng ekonomiya ng Alemanya pagkatapos ng Unang Digmaang Pangdaigdig. Sa ganitong paraan, makikita na natin ang dalawang uri ng kakulangan: una, ang materyal na kakulangan at pangalawa, ang kakulangan sa identidad. Dahil sa mga kakulangan na ito nagsisimula ang paggalaw sa loob ng kolektibong realidad.
Para kay Sartre, sinisimulan ng isang engkuwentro nito sa pangagailangan ang penomena ng indibidwal at ng engkuwentro nito sa mundo ay.[2] Ito ang nagbibigay ng relasyon sa pagitan ng tao at ng materyal na mga bagay.[3] Dahil sa pagiging koneksiyon ng tao sa mundo nakikita natin ang kapaligiran bilang isang bagay na may potensyal bilang isang produkto. Ang materyal na kapaligiran ang nagiging taga-salo ng aksiyon. Ang mga materyal na bagay ay hinuhulma para pagsilbihan ang “grupo” (ensemble). Ano ngayon ang relasyon ng kakulangan sa realidad na ito? Ayon kay Sartre, ang kakulangan ay isang katotohanan at hindi isang pangagailangan.[4]
Dahil dito, mayroong isang mahalagang parte ang kakulangan sa pananaliksik ukol sa paggalaw at pag-iral ng mga kolektibo. Ayon kay Sartre:
Scarcity is the basis of the possibility of human history but not of its reality. In other words, it makes history possible, but other factors are necessary if history is to be produced.[5]
Ito ngayon ang simula ng kasaysayan. Mula sa kakulangan ang mga tao ay nagkakaron ng kamalayan ng kakulangan. Mula sa kamalayan ng kakulangan, nagiging tulay ito sa relasyon sa pagiral.[6] Mula dito, makikita natin ang koneksyon ng mga indibidwal sa materyal at ang mga relasyon nito sa kapuwa.[7]
Sa ganitong paraan, ang pag-iral ng kakulangan ang nagdadala sa atin sa kamalayan ng ating sarili sa kapuwa.[8] Sinisiwalat ni Sartre sa kaniyang Critique ang papel ng kakulangan bilang bashean ng praxis.
It goes without saying that scarcity as indeed we have already seen can be the occasion for the formation of new groups whose sole project is to combat it.[9]
Dahil dito, nagkakaroon ng kamalayan ang mga indibidwal ukol sa katotohanan ng kakulangan. Isang kongkretong halimbawa ang nangyari sa bansang Alemanya pagkatapos nang Unang Digmaang Pangdaigdig,dahil sa pagbagsak ng ekonomiya, umakyat ang presyo ng mga bilihin ng bilyong beses kaysa mga presyo bago ang digmaan.[10] Ang kamalayan nila sa mga paghihirap at dagok ng buhay ang naging tulay patungo sa pangangailangan na magkaisa.
Given a social field which is defined by scarcity, that is, given the historical human field, labour for man has to be defned as praxis aimed at satisfying need in the context of scarcity by a particular negation of it.[11]
Isa lamang sa mga maraming halimbawang historiko ang nangyari sa bansang Alemanya bilang isang halimbaawa ng kakulangan at ng relasyon nito sa mga indibidwal. Magiging gabay ito sa ating pananaliksik ukol sa koneksiyon ng kakulangan sa paggalaw ng mga indibidwal patungo sa pagkabuo.
Kung kakulangan ang relasyon ng tao sa kapaligiran, mula na rin dito ang relasyon ng tao sa tao. Nakikita ko ang manggagawa sa eskinita, tumutulo ang pawis sa kaniyang maduming kamiseta. Habang pinagmamasdan niya ako at ako sa kaniya nakikita ko ang kaniyang pagpipiko ngunit alam ko na ako hindi ako marunong magpiko. Mula dito nakita ko ang kaniyang potensiyal bilang isang manggagawa at ako na nakititig sa kaniyang pagpipiko, unti unti ko nakikita ang aking kakulangan sa abilidad ko sa pagtratrabaho. Nakikita ko ang kakulangan ko sa kaniya at ang kakulangan niya sa akin. Ito ngayon ang tulay sa pagitan ko at ng kapuwa tulad ng pagkakita sa akin ng manggagawa na suot ang mamahaling polo nakikita niya ang kakulangan niya sa salapi mula sa presensiya ng aking pagsuot ng mamamahaling polo. hindi nakapaloob ang kakulangan sa bagay ngunit sa karanasan ng tao.[12] Wala sa aking polo ang kakulangan sa salapi o sa kanyang pagpipiko ang kakulangan ko sa abilidad ng pagpipiko. Ito ang basehan ni Sartre sa argumentong ang kakulangan ang isa sa mga basehan ng pagkagawa ng kasaysayan. Atin inilagay sa taas ang halimbawang historiko ang inflation sa Alemanya, mula sa salat na pamumuhay at ang kawalang halaga ng salapi, ang pangkalahatang kamalayan ng mga Aleman ay nakatuon sa pagsugpo sa problemang ito.
Dahil sa kakulangan at ang kamalayan ukol dito, nagisisimula na ang proseso ng pagkabuo ng mga kolektibo. Sa pang-araw-araw na karanasan kasama ang mga materyal na bagay at ang kapuwa, ang kamalayan natin ay lumalago mula sa mga makasariling intensiyon patungo sa pagkakaroon ng kaisahan ng mga indibidwal. Mula dito, papsok ang pagkakaisa ng mga indibiduwal patungo sa pagsugpo ng kakulangan.
Mula sa pagkakaisa ng mga grupo nabubuo ang mga iba’t ibang uri ng mga kolekibo ngunit, mula sa iba’t ibang proseso ng pagkabuo ng kolektibo nagkakaroon ng kamalayan ang bawat miyembro nito. Ngunit, mula sa mga kolektibo na ito nagkakaroon ng dalawang epekto ang kagustuhan na masugpo ang kakulangan. Una, mula sa pagkabuo ng mga kolektibo nagkakaroon ng isang miyembro na nagiging kawani ng buong grupo. Ito ang lider o sa terminolohiya ni Sartre ang Sovereign.
ii. Ang Lider o Sovereign
Kilala ang mga bansang napasailalim sa gobyernong diktatoryal sa mga lider nila na nakasuot ng damit pang-militar sagad sa medalya kahit walang nilabanan. Sila ang naging larawan ng buong partido o ng bansa. Sa isang bansang komunista ang lider ang pinaka mataas na miyembro ng bansa. Siya ang pag-asa, ang imahe ng isang praksis.[13] Tulad ng pagsamba kay Mao Ze Dong, Kim Jong Il, Josef Stalin o Adolf Hitler, nagmula ang kapangyarihan ng mga taong ito mula sa lakas ng kanilang karisma sa mga tao. Ang mga salita ni Hitler na nagpaalab sa mga Aleman ang nag-silbing tawag sa aksiyon. Siya ang naging boses ng buong bansa na nalugmok sa kahirapan. Ang pagkakaroon ng isang lider ang nagsisilbing testamento ng pagkakaisa ng isang kolektibo. Umuusbong ang kaniyang indibidwalidad at nagiging isang idea ng buong kolektibo. Ito ang penomenon ng relasyon ng lider at ng kolektibo. Mula sa pagkakaisa ng mga indibidwal upang masugpo ang kakulangan, umuusbong ang isang miyembro sa estado bilang isang sovereign.
Papaano nakakatagal ang lider bilang idea ng grupo? At ano ang relasyon nito sa ideolohiya? Dito na natin makikita ang pagusbong ng dalawang idea na magiging mahalaga sa ating pananaliksik ukol sa penomena ng ideolohiya. Kung babalikan ang mga nasiwalat, ang kamalayan sa kakulangan ang nagbibigay ng kamalayan sa pag-iral sa mga indibidwal bilang isang nilalang-para-sa-kapuwa. Mula dito, uusbong ang pagkakaisa ng mga kolektibo na ang may layunin na sugpuin ang kakulangan. Sa pagdating ng lider, magkakaroon ito ng dalawang epekto. Una, mamahalin ang lider bilang isang pangkalahatang representasyon ng grupo at ng idea na nagpaisa sa grupo. Tulad ni Hitler, produkto siya ng kolektibo (ng Nazi party at kalaunan ang bansang Alemanya) siay ag naging simbolo ng buong ideolohiya ng Nazismo. Ito ang imahe na nakikita mula sa mga larawan mga pelikula na isinasagawa ng isang grupo upang mapalawak ang idea nito. Hindi tulad ng tradisyonal na consepto ng ideolohiya na nagsasabi na isang tao o lider ang nagsasabi, nagmula ang ideolohiya sa isang partisipasyon ng mga miyembro ng isang isang kolektibo. Nagiging isang parte lamang ng buong idea ngunit nagmula ito sa mga kolektibo bilang epekto ng praksis.
II. Ang Paggalaw ng Ideolohiya
Minsan nakahiligan ko na panoorin ang mga pelikula ni Sergei Eisenstein tulad ng October: Ten Days that Shook the World, Battleship Potemkin,at ang dalawang parte ng Ivan the Terrible. Nagmula ang mga pelikulang ito sa mga unang taon ng Soviet Union, halimbawa ipinagdiriwang ng pelikulang October ang ika-sampung anibersaryo ng Rebolusyon noong 1917 at itinatampok ng Battleship Potemkin ang mga eksena sa isang pag-aaklas ng mga marino sa isang barkong pang-digma noong 1905. Iisang mensahe ang gustong ipahatid ng dalawang pelikulang ito., ito ang pagwawagi ng idea ng mga Bolshevik laban sa goberyno ng Tsar ng Russia at sa mga kapitalista.
Isang katulad na halimbawa ang mga pelikula noong panahon ng Nazismo. Ipinapakita ng Triumph des Willens ang rally sa Nuremberg isa sa mga malalaking rally noong panahon ni Hitler bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pinaganda pa ng pelikula. Ang mga imahe ng mga sundalong nagmamartsa, mga manggagawang nagaaklas o mga sundalong hindi sumusunod sa kanilang mga pinuno ang madalas na imahe ng mga pelikulang pang propaganda. Ikinakabit sa isang lider o personalidad ang bukal ng ideolohiya. Tulad sa pagbanggit sa pangalan ni Lenin malalaman kaagad natin ang konsepto ng Bolshevismo o kay Hitler ang Nazismo. Ngunit mayroong penomena sa pag-iral ng ideolohiya na hindi madalas nakikita ito ang partisipasyon ng kolektibo.
Pananakot ang madalas na imahe sa mga diktador o ibang personalidad, ngunit nasa kolektibo ang pinakaimportanteng sangkap ng ideolohiya. Pananakot ang madalas na instrumento ng mga kolektibo upang mapabisa ang pagtagal ng pagkakaisa nito. Bukod pa rito ginagamit ng mga kolektibo ang panunumpa (o sa terminolohiya ni Sartre Pledge) upang mabigyan ng panglabas na anyo ang pagkakaisa ng grupo.[14]Hindi ang pagtaas ng kamay at ang pagsabi ng panunumpa tulad ng ginagawa sa isang flag ceremony ang konseptong ito. Hindi rin ito basta basta isang kolektibong pagpayag ngunit binubuo ito ng isang aksiyon ng grupo na kasali sa grupo. Parang isang fraternity, mayroon silang mga sari saring mga handshake na mga miyembro lang ng grupo ang puwedeng gumawa o mga simbolo na madalas na ginuguhit sa mga mesa. Kapag mayroong mga tao na hindi miyembro ng fraternity ang gumawa ng handshake o gumuhit ng simbolo kadalasan nararansan niya ang pananakot ng grupo. Ginugulpi at pinagkakaisahan iyan ang imahe ng mga fraternity sa mga lansangan na mayroong pinagtritripan na hindi miyembro. Isa ito sa mga halimbawa ng pagkasama-sama ng panunumpa at pananakot bilang mga instrumento ng pagpapanatili ng mga kolektibo. Mula sa panunumpa, nabubuo ang imahe ng lider. Sa imahe ng lider, siya ang simbolo ng buong grupo. Siya ang idea ng buong partido. Ngunit mula sa konseptong ito, makikita ang dalawang pangyayari sa pag-usbong ng ideolohiya. Kung ang lider ang simbolo ng pag-asa, idea, at iba pa, sa kabilang dako, lalabas ang konsepto ng pagkamuhi at galit sa ibang grupo. Ito ang paggalaw na kadalasan na nakikita sa mga ideolohiya. Halimbawa, itinatampok ng mga komunista ang pag-aaklas ng mga manggagawa na inaalispusta ng mga kapitalista. Makikita sa mga nakapaskil na poster ang imahe ng isang manggagawa na may hawak ng riple at handang lumaban sa kaniyang mga kalaban. Ito ang pagtampok na isang aspeto ng Ideolohiya na madalas nakikita. Ngunit, ang pagkamuhi sa isang grupo ang pangalawa nitong aspeto. Ang imahe ng kapitalista at Hudyo na nakapaskil may suot na matataas na sombrero, magara ang suot, mataba at nakasaad sa kanilang mukha ang pagiging ganid sa yaman at sadyang pinamumukhang mga linta ng lipunan.
Ipinapakita rito ang dalawang itinatampok sa isang ideolohiya, ngunit ang tanong saan ito nagmula? Marahil sa isang lider o sa personalidad. Ngunit, makikita natin na nagmula ito sa isang praksis. Nugnit nasaan ang praksis dito? Nagmula ang buong konsepto ng praksis kay Marx bilang isang uri ng pag-intindi sa kasaysayan. Ito ang aksiyon ng isang grupo bilang bilang isang dialektikong kontradiksyon sa kasalukuyang umiiral na idea. Tulad ng komunismo, isa itong kontradiksyon sa kapitalismo at imperialismo at Nazismo bilang isang kontraadiksyon sa gobyerno ng Weimar. Isang pamamaraan ni Marx ang praksis upang mabigyan ng paliwanag ang mga pangyayari sa kasaysayan. Ngunit ayon kay Sartre, isang tuloy-tuloy na paggalaw ang praksis sa katunayn isa itong praxis-process.
The important point here is that the common praxis is both an action and a process.[15]
Ito ang simbolo ng paggalaw ng mga kolektibo upang baguhin ang kasalukuyang estado. Baliktaran ang relasyon ng kolektibo at ng lider. Mula sa pagiging kasama nito sa grupo at ang pag-iral nito bilang isang lider, napapaloob ang pagka-lider nito sa kaniya. Ang mga imahe ni Hitler na nakapaskil o ni Stalin ang sumisimbolo sa buong grupo. Dito papasok ang baliktarang relasyon ng pag-iidolo sa lider at ng galit o pagkamuhi.
Dahil sa pangagailangan ng grupo na masugpo ang kakulangan, kinakailangan nito ang imahe ng pag-iral ng kakulangan. Kung ang lider ang simbolo ng pag-asa, ng idea at ng buong grupo, nagkakaroon naman ng taong tumatayo bilang simula ng kakulangan. Ang imahe ng kapitalista sa isang bansang komunista, magara ang suot, mayroong mataas na sombrero (isang tophat), at malalaki ang tiyan, ang sumimbolo sa pagaalipusta at pagkaganid ng mga ito na naging sanhi ng kahirapan ng manggagawa. Ito rin ang pinagmulan ng Kontra-semitismo. Ginawa ang Hudyo at hindi ipinanganak, ginawa siya ng kontra semitista.[16] Nagmula ito sa isang aksiyon, ang paggalaw ng grupo sa pagkakita sa ibang grupo i.e. ang mga taong mahaba ang balbas at tinatawag ang Dios bilang Dios ni Abraham, Isaac, at Jacob at mayroong mga ritwal ng Sabbath. Sa pag yaman ng Hudyo at ang pagsikat ng mga ito sa larangan ng sining, nakita ng kontra semitista ang kaniyang kakulangan.[17] Naging isang nilalang na mayroong yaman ang Hudyo samatala naghihirap ang kontra-semitista. Sa pagiging Chancellor ng Alemanya ni Hitler (sa pagkamatay ni Presidente Hindenburg dineklara siya bilang Führer ng Alemanya) umusbong ang kontra semitismo bilang isang ideolohiya. Kahit na mayroong ng kontra semitismo sa ibang mga bansa tulad pogrom sa Russia, hindi pa kailan man nakita ang kontra semitismo bilang isang napakalaking idea bagkus, isang anyo lamang ng pagkamuhi ang pogrom upang sirain ang mga kagamitan ng mga hudyo sa Russia. Ngunit, ang Alemanya ng 1930s ang mayroong sistematikong paraan ng pagtrato sa mga hudyo. Ang mga kampo ng Auschwitz at Dachau ang sumimbolo sa isang sistematikong pagkamuhi at unti-unting pagpatay sa mga Hudyo. Nag mukhang demonyo ang hudyo, siya ang dahilan ng paghihirap at ang pagkasira ng kasarinlan ng Alemanya. Sa kuwento ni Brennecke, ginawang sira ulo at pedophiliac si Dr. Bernstein isang dentistang Hudyo. Pinamukha siyang kakain ng batang Aleman at handang sirain ang dangal nito. Siya ang taga sira ng dangal ng isang dentista at ang pag-angat sa denistang Aleman siya naman ang solusyon ng kuwento.[18] Ito ngayon ang resulta ng baliktarang relasyon ng pag-iidolo at pagkamuhi sa isang kolektibong realidad. Habang iniidolo at sinasamba ng mga Aleman si Hitler siya naman kinamumuhian ang mga Hudyo. Nagiging baliktaran ang relasyon dahil sa pangangailangan ng pagkakaisa ng isang grupo. Ang pagkakaisa ng mga Hudyo na nagkakaisa dahil sa relihiyon at ang watak watak na pagkakaisa ng mga Aleman pagkatapos ng Unang Digmaang Pangdaigdig at ang mga sunod sunod na gulo at banta ng komunismo sa Alemanya (pagkatapos ng rebelyong Spartacist) ang yaman ng mga Hudyo ang kanilang imahe bilang homo economicus at ang kapasidad nila sa negosyo[19] ang sanhi ng paglakas ng galit ng mga Aleman sa Hudyo. Dahil rin dito, hindi na mapagdududahan ang mabilis na pag-usbong ng Nazismo sa Alemanya noong 1932. Hinihingi ng kolektibo ang isang lider na kakatawan sa kabuoan nito, isang panunumpa ng tiwala sa pamamagitan ng aksiyon ng bawat indibidwal at ang kolektibong galit sa kapuwa (sa kasong ito ang mga Hudyo ang kapuwa). Ito ang paggalaw ng ideolohiya sa isang kolektibong realidad
Isa sa mga mahahalagang aspeto ng kasaysayan ang mga aksiyon ng mga indibidwal at ng mga kasama nito na bumubuo sa isang kolektibo. Isa sa mga problema ni Sartre ang paghahanap sa Totalization without a totalizer.[20] Ideolohiya ang isa sa mga konsepto na kailangan mabigyan ng pagpapaliwanag upang masuri ang paggalaw ng mga kolektibo at ng mga ibang kolektibo. Nagbibigay ang ideolohiya ng mga impormasyon ukol sa mga bagay ng nagbibigay katotohanan dahil nagagamit ito. Tulad ng propaganda, maganda sa ating mga mata ang mga imahe ng sundalong nagmamartsa. Ang imahe ng ideal na mundo na nakapaloob sa ideolohiya ang sumasakatawan sa hinihingi ng mga kolektibo bilang isang paraan ng pagsugpo sa kakulangan. Tulad ng propaganda, sinusugpo nito ang kawalan ng tamang pagtingin sa mga iba’t ibang isyu tulad ng giyera o kaya naman ang inflation sa Alemanya. Hindi gawa ni Hitler ang pag-angat niya bilang isang lider ng Alemanya noong 1932. Ngayon, binubuo ng isang lider ang unang pananaliksik ni Sartre ang kahalagan ng isang kakatawan sa buong grupo at ang aksiyon nito sa kapuwa ang mga nasaliksik ni Sartre sa una at pangalawang libro ng Critique. Ngunit, dahil hindi ito natapos naiwan ang problema ng totalization without a totalizer. Sa pananaliksik sa mga una nang nakita ni Sartre at sa konsepto ng ideolohiya bilang isang paraan ng kolektibo at hindi ng lider. Pangalawa lamang ang pagsasanto sa lider galaw ng ideolohiya. Tulad ni Mao Ze Dong, ang pagpapalimbag lamang sa Little Red Book (isang maliit na aklat ng mga turo at idea ni Mao) at ang pag-samba ng mga tao sa libro na ito ang nagpasanto kay Mao. Maaring itapon ito ng mga intsik o kaya naman patayin siya at palitan ng iba, kahit si Hitler, puwede siyang patayin ng kaniyang mga tao ngunit sa kaniya nakita ang pagkabuo ng Alemanya at katulad din nito si Mao. Ginawa ng kolektibo ang lider at hindi ng kabaliktaran. Kasama na dito ang galit sa kapuwa bilang isang kalaban ng pagkabuo ng grupo na ito.
Konklusyon
Pagkatapos ng ating pananaliksik, nakita natin ang ebolusyon ng ideolohiya mula sa kakulangan at ang pagkabuo ng kolektibo upang masugpo ito at ang pagkagawa ng lider at kalaban bilang isang dialektikong pag-iral ng ideolohiya. Ngunit, kahit sa unang tingin na galing ito sa isang lider sa huli ang kolektibo ang gumawa dito. Nabigyan natin ng ilaw ang isa sa mga malalaking talakayan sa kasaysayn, ito ang ebolusyon ng mga ideolohiya. Mula sa mga ideolohiya ng pulitika at sa mga ideolohiya ng showbiz, iisa lamang ang gusto nitong iparating: ito ang pagsabi sa kung ano tayo at ano tayo hindi. Kaparehas ng isang komersiyal ni Belo, nakikita natin ang mga katawan ng mga babae na maliliit ang mga dibdib at paunti-unti nating nakikita ang paglaki ng mga dibdib nila salamat kay Belo. Pinapakita nila ang kakulangan ng mga babae sa laki ng dibdib at sa paglabas ni Belo isang idea ng tagapagdala ng kagandahan ang unang nakikita. Maari nating sabihin na ligtas sa ideolohiya ang isang bansang demokratiko, ngunit makikita natin na sa mga gawain ng mga malalaking kumpanya ang pagbibigay ng idea na kailangan niyo ito. Gawa ng mga kolektibo ang ideolohiya ng mga Advertisement, ang mga nakakurbata na mga experto sa pangbobola ang sadyang nagpapaganda sa ideolohiya at nagmumukha itong palabas na masayang panoorin. Tulad din ng sa isang diktatoryal na bansa, ginagawang kawiliwili ang pagsasanto sa lider. Ang pagsasakatawan kay Hitler bilang isang tagagawa ng baggong Alemanya suot ang uniporme ng Sturmabteilung (Ang SA isang grupong para-military na naging sikat noong panahon ni Hitler hanggang 1932 sinira ito at pinalitan ng SS) pinapakita ang paghulma niya sa baggong Alemanya at ang tunay na Aleman. Ang tanong ngayon ano ang pinagkaiba ng ika 21 na siglo sa nakaraang siglo? Ano ang ideolohiya ng baggong siglo? Hindi ang lider ang gumagawa nito kung hindi tayo rin ang may gawa nito.
Mahalaga na Makita natin ang parting ito para mabuksan ang isang solusyon sa problemang totalization without a totalizer. Nadagdagan natin ang mga posibleng angulo na hindi nakita ni Sartre dahil pinagtuonan niya ng pansin ang mga bansang komunista at ang mga nagdaang pangyayari sa Pransiya mula 1789 hanggang 1945. Isang napakalaking sakop ngunit hindi natapos dahil sa imahe ni Stalin na isang hadlang sa totalization without a totalizer. Dahil hindi niya nakita ang pagsasanto kay Stalin ng mga komunista at sa halip nakita niya ang imahe lamang ni Stalin. Sa pag-usbong ng ideolohiya, makikita natin ang kagustuhan ng mga tao na magkaroon ng isang idea na hahawak sa kanilang pagkabuo at magkaroon ng isag kakatawan sa kung ano it at kung ano ito hindi. Tulad ni Hitler na kumatawan sa kung ano ang tunay na Aleman at ang Hudyo ang simbolo ng kasamaan. Mula sa dalawang idea na ito makikita natin ang balanseng pagtingin sa penomena ng isang kolektibong realidad. Isa ang ideolohiya sa mga kagamitan nito upang mabigyan ng halaga ang pagkabuo at pagkakaisa nito, pumapaloob na rin ditto ang iba’t-ibang salik ng kolektibong realidad tulad ng pananakot (terror), panunumpa (pledge) at paggawa (labour). Bakit? Kapag walang idea na hahawak sa kolektibo makakapagtrabaho ba ang bawat isa, makakapanumpa ba sila sa isang panunumpa na kadalasan kumakatawan sa idea, o makakapanakot ba ito sa iba? Dito makikita na natin na ang lahat ng mga ito hawak na ng ideolohiya at ng kolektibo na siyang may akda nito.
[1]Jean Paul Sartre, Critique of Dialectical Reason Volume I: Theory of Practical Ensembles pinamatnugutan ni Alan Sheridan Smith (London: Verso, 2004), 47
[2]Sartre, CDR I, 80
[3] Ronald Aronson. Sartre’s Second Critique. (Chicago: University of Chicago Press, 1987) p. 202
[4] Raymond Aron. History and the Dialectic of Violence: an Analysis of Sartre’s Critique de la Raison Dialectique. Pinamatnugutan ni Barry Cooper. (New York: Harper and Row, 1975) p. 32
[5]Sartre, CDR I, 125
[6]Ibid, 127
[7]Aronson, 186
[8]Gila Hayim, The Existential Sociology of Jean-Paul Sartre (Amherst: University of Massachusetts Press, 1980), p. 90
[9]Sartre, CDR I, 136
[10] Richard J. Evans. The Coming of the Third Reich, (New York: Penguin Books, 2003) p. 109
[11] Sartre, CDR I, 136-137
[12]Hayim, 89
[16]Jean Paul Sartre, Anti Semite and Jew: an Explanation of the Etiology of Hate,pinamatnugutan ni George J. Becker (New York: Schoken Books, 1995), p.69
[18]Fritz Bennecke,“Vom Deutschen Volk und Seinem Lebensraum: Handbuch für die Schlungsabeit in der Hitlerjugend,” pinamatnugutan ni Harwood H. Childs sa The Sources of the Holocaust, pat. Steve Hochstadt, (New York: Palgrave Macmillan, 2004) p.54
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento